Donut Talk
Naaalala ko ngayon ang aking mga kamag-aral sa mataas na paaralan ng Ateneo de Manila dahil sa isang e-mail na ipinadala ng isa kong kaklase na si Irone Boquiron (isa nang guro sa ika-apat na baitang ng mababang paaralan ng Ateneo de Manila) sa e-groups namin ng seksyong 4-I. Sa kanyang e-mail, ipinaskin niya ang isang tula na isinulat ng dati naming guro na si ser Ronan (Ron) Capinding. Si ser Capinding ang aming guro sa Filipino sa ika-3 baitang sa high school. Isang mahusay na titser, si ser Capinding ang nagturo sa amin kung paano ihayag ang aming sarili sa pamamagitan ng sining ng pag-arte (dula). Bihasang artista sa teatro si ser Capinding. Minsan na rin siyang naging bida sa isang Jollibee advertisement at sa isang independent film.
Simple lang ang tula. Sa iba, ito'y may lamang ipinahihiwatig; at sa iba naman, ito'y nakakatawang basahin. Maihahalintulad ko ito sa buhay namin noong high school... madalas masasaya't tuwang-tuwa, at kung minsa'y palaisip. Sana'y maibigan ninyo ang tulang ito:
Huwag Mong Hanapin sa Butas ng Donat ang Sarap
ni Ron Capinding
Huwag mong hanapin sa butas ng donat ang sarap.
Kailangang may butas ang donat upang maging donat
Dahil kung walang butas, hindi donat.
Ngunit wala sa butas ng donat ang sarap.
Ang do sa gitna ay inalis upang magawa ang ibang donat.
Ang sarap ng butas na iyong hinahanap ay nasa ibang donat.
Kaya't masarap ang donat kahit may butas ang donat
Dahil ang tunay na donat ay may butas na donat.
Ngunit huwag mong hanapin sa butas ng donat ang sarap.
Si ser Capinding na gumanap na Maniac (kunwa'y isang obispo/bishop) sa isang dula ng Tanghalang Ateneo na pinamagatang Ang Aksidenteng Kamatayan ng Isang Anarkista.

- Image from Ateneo de Manila University website -


